1Ito ang sinabi ng Panginoon ,
“Ang Jerusalem baʼy itinakwil ko
gaya ng lalaking humiwalay
sa kanyang asawa?
Patunayan ninyo!
Ipinabihag ko na ba kayo
tulad ng isang taong ipinagbili
bilang alipin ang kanyang mga anak
sa pinagkakautangan niya,
upang ipambayad sa utang?
Hindi!
Kayo ay ipinagbili
dahil sa inyong mga kasalanan.
Itinakwil ang Jerusalem
dahil sa inyong mga pagsuway.
2Bakit hindi ninyo ako pinansin
noong dumating ako?
Bakit hindi kayo sumagot
noong tinawag ko kayo?
Hindi ko ba kayo kayang iligtas?
Kaya ko ngang patuyuin ang dagat
sa isang salita lang.
At kaya kong gawing disyerto ang ilog
para mamatay ang mga isda roon.
3At kaya ko ring padilimin
na kasing-itim ng damit na panluksa
ang langit.”
4Tinuruan ako ng Makapangyarihang Panginoon
kung ano ang sasabihin ko
para mapalakas ang mga nanlulupaypay.
Ginigising niya ako tuwing umaga
upang pakinggan ang
mga itinuturo niya sa akin.
5Nagsalita sa akin
ang Makapangyarihang Panginoon
at akoʼy nakinig.
Hindi ako sumuway
o tumakas man sa kanya.
6Iniumang ko ang aking likod
sa mga bumugbog sa akin,
at ang aking mukha
sa mga bumunot ng aking balbas.
Pinabayaan ko silang hiyain ako
at duraan ang aking mukha.
7Ngunit hindi ako nakadama ng hiya,
dahil tinulungan ako
ng Makapangyarihang Panginoon .
Kaya nagmatigas ako
na parang batong buháy
dahil alam kong hindi
ako mapapahiya.
8Malapit sa akin ang Diyos
na nagsasabing
wala akong kasalanan.
Sino ang maghahabla sa akin?
Lumabas siya at harapin ako!
9Makinig kayo!
Ang Makapangyarihang Panginoon
ang tutulong sa akin.
Sino ang makapagsasabing nagkasala ako?
Matutulad sila sa damit na mabubulok
at ngangatngatin ng mga kulisap.
10Sino sa inyo ang may takot
sa Panginoon
at sumusunod sa mga itinuturo
ng kanyang lingkod?
Kinakailangang magtiwala siya
sa Panginoon niyang Diyos
kahit sa daang madilim
at walang liwanag.
11Ngunit mag-ingat kayo,
kayong mga nagbabalak
na ipahamak ang iba,
kayo rin ang mapapahamak
sa sarili ninyong mga pakana!
Mismong ang Panginoon
ang magpaparusa sa inyo,
at kayoʼy mamamatay
sa matinding parusa.