1Ang taong matutuwid
ay nagdurusaʼt namamatay;
ngunit walang may pakialam;
ang mga makadiyos
ay namamatay nang maaga;
subalit walang sinumang nakakaunawa
na silaʼy inilalayo ng Diyos
sa darating na masama.
2Sapagkat kapag namatay
ang taong matuwid,
magkakaroon na siya
ng kapayapaan at kapahingahan.
3Ngunit kayong mga lahi
ng mga mangkukulam,
ng mga nangangalunya,
at ng mga babaeng bayaran,
lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan.
4Sino ba ang inyong kinukutya,
na nagagawa pa ninyong
ngumiwi-ngiwi at dumila-dila?
Hindi baʼt kayo ay mga rebelde
at sa mga sinungaling nagmula?
5Sinasamba ninyo
ang inyong mga diyos-diyosan
sa pamamagitan ng pakikipagtalik
sa ilalim ng bawat malalagong
punongkahoy na itinuturing
ninyong banal.
Inaalay ninyo ang inyong mga anak
doon sa mga lambak;
sa may mga matatalas na bato sa bangin.
6Ang mga batong makikinis
sa mga daluyan ng tubig
ay ginagawa ninyong diyos
at sinasamba sa pamamagitan
ng paghahandog ng pagkain
at inumin.
Hindi ako natutuwa
sa ginagawa ninyong iyan.
7Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok
at nag-aalay ng inyong mga handog doon
at nakikipagtalik.
8Inilalagay pa ninyo
ang mga rebulto
ng inyong mga diyos-diyosan
malapit sa pintuan ng inyong mga bahay.
Itinatakwil ninyo ako.
Para kayong babaeng mangangalunya
na nahiga sa malapad niyang higaan
at pumayag na sumiping
sa kanyang kalaguyo.
Gustong-gusto niyang makipagtalik
sa kalaguyo niya.
Talagang nagpapakasawa siya
sa pita ng kanyang laman.
9Pumunta kayo sa diyos-diyosan
ninyong si Molec.
Marami ang kayong dalang
langis at pabango.
Nagsugo pa kayo ng mga tao
sa malayong lugar para maghanap
ng mga diyos-diyosang sasambahin ninyo.
Kahit na ang lugar ng mga patay
ay parang pupuntahan nʼyo pa.
10At kahit pagod na kayo
sa kakahanap ng mga diyos-diyosan,
hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa.
Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili
kaya hindi kayo nanghihina.
11“Sino ba itong mga diyos-diyosan
na kinatatakutan ninyo
at nagsinungaling kayo sa akin?
Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin.
Ano ba ang dahilan,
bakit hindi nʼyo na ako iginagalang?
Dahil ba sa nanahimik ako
sa loob ng mahabang panahon?
12Ang akala ninyoʼy matuwid
ang inyong ginagawa,
ngunit ilalantad ko
kung anong klaseng tao kayo.
13Tingnan natin
kung maililigtas ba kayo
ng inyong mga diyos-diyosan
kapag dumaing kayo
at humingi ng tulong sa kanila.”
14Sasabihin ko:
“Ayusin ninyo ang kalsada!
Tanggalin ang mga bato
at ihanda ito para sa pagbabalik
ng aking mga mamamayan.”
15Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Diyos,
ang Banal na Diyos
na nabubuhay magpakailanman:
“Nakatira ako sa mataas at banal na lugar,
at kasama ng mga taong
mapagpakumbaba at nagsisisi,
at silaʼy aking palalakasin
at bubuhayin ang kanilang kalooban.
16Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin
o uusigin habang panahon,
dahil kung gagawin ko ito
mamamatay ang mga taong nilikha ko.
17Nagalit ako dahil sa kasalanan
at kasakiman ng Israel,
kaya pinarusahan ko sila at itinakwil.
Ngunit patuloy pa rin sila
sa pagiging suwail.
18Nakita ko ang masasama nilang gawi,
ngunit pagagalingin ko sila;
papatnubayan ko sila
at aaliwin ang mga nagluluksa.
19At dahil dito, magpupuri sila sa akin.
Bibigyan ko sila ng wagas
na kapayapaan, sa malayo
o malapit man.
Pagagalingin ko sila,”
sabi ng Panginoon .
20Ngunit ang masasama
ay walang kapayapaan.
Para silang alon sa dagat
na nagdadala ng mga putik
at mga dumi sa dalampasigan.
21“Ang taong masama
ay hindi mabubuhay ng payapa,”
sabi ng aking Diyos.