1Ang Espiritu ng Makapangyarihang Panginoon
ay sumasaakin.
Sapagkat hinirang niya ako
na mangaral ng magandang balita
sa mga dukha.
Sinugo niya ako para aliwin
ang mga sugatang-puso,
at para ipahayag sa mga bihag
at mga bilanggo na silaʼy malaya na.
2Sinugo rin niya ako para ipahayag
na ngayon na ang panahon
na ililigtas ng Panginoon
ang kanyang mga mamamayan
at parurusahan ang kanilang mga kaaway.
3Sinugo rin niya ako
para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion,
nang sa ganoon,
sa halip na maglagay sila ng abo
sa kanilang ulo bilang tanda
ng pagdadalamhati,
maglalagay sila ng langis
o ng koronang bulaklak
sa kanilang ulo
bilang tanda ng kaligayahan.
Silaʼy magiging parang matibay na puno
na itinanim ng Panginoon .
Kikilalanin silang mga taong matuwid
sa ikakaluwalhati ng Panginoon .
4Muli nilang itatayo ang mga lugar
na gumuho noong unang panahon,
at aayusin ang mga lungsod
na nawasak noon.
Muli nilang bubuhayin ang mga ito,
kahit na napakatagal na nitong gumuho.
5Mga mamamayan ng Diyos,
maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan.
Aalagaan nila ang inyong mga hayop,
at magtatrabaho sila
sa inyong mga bukid
at mga ubasan.
6Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon ,
mga lingkod ng ating Diyos.
Makikinabang kayo
sa kayamanan ng mga bansa
at magagalak kayo
na ang mga itoʼy naging inyo.
7Sa halip na kahihiyan, magiging doble
ang inyong matatanggap na pagpapala
sa inyong lupain
at talagang masisiyahan kayo
sa matatanggap ninyo.
Magiging maligaya kayo magpakailanman.
8“Sapagkat ako, ang Panginoon ,
ay nagnanais ng katarungan.
Galit ako sa mga pagnanakaw
at sa iba pang kasamaan.
Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko
ang aking mga mamamayan
at gagawa ako ng walang hanggang
kasunduan sa kanila.
9Ang lahi nilaʼy magiging tanyag
sa mga bansa.
Ang lahat ng makakakita sa kanila
ay magsasabing silaʼy mga taong
pinagpala ng Panginoon .”
10Nalulugod ako sa Panginoon kong Diyos,
dahil para niya akong binihisan
ng kaligtasan at tagumpay.
Para akong lalaking ikakasal
na may suot na katulad
ng magarang damit ng pari,
o babae sa kasal na may mga alahas.
11Sapagkat kung papaanong
tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi,
ang tagumpay at katuwiran naman
ay tiyak na manggagaling
Makapangyarihang Panginoon ,
at pupurihin siya ng mga bansa.