Isaias 62

Ang Bagong Pangalan ng Zion

1Dahil sa mahal ko ang Jerusalem,

hindi ako tatahimik

hanggaʼt hindi dumarating

ang kanyang tagumpay

at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway;

at hanggang sa mapasakanya

ang kanyang kaligtasan

na parang nagniningas na sulo.

2O Jerusalem, makikita ng mga bansa

at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay,

katuwiran, at ang iyong kapangyarihan.

Bibigyan ka ng Panginoon

ng bagong pangalan.

3Ikaw ay magiging parang koronang maganda

sa kamay ng Panginoon na iyong Diyos.

4Hindi ka na tatawaging,

“Itinakwil” o “Pinabayaan”.

Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Diyos”

o “Ikinasal sa Diyos”,

sapagkat ang Panginoon ay nalulugod

at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya.

5Tulad ng binatang ikakasal

sa isang dalaga,

pakakasalan ka rin ng iyong Manlilikha.

At kung papaanong nagagalak ang lalaking

ikakasal sa kanyang kasintahan,

ang iyong Diyos ay nagagalak din sa iyo.

6Jerusalem, nagtalaga ako

ng mga tagapagbantay

sa iyong mga pader.

Hindi sila titigil araw-gabi

sa pagbibigay ng babala

sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin

sa Panginoon ,

huwag kayong titigil

sa inyong pananalangin.

7Huwag ninyong titigilan

ang Panginoon

hanggang sa muli niyang itayo

ang Jerusalem

at gawin itong lugar na kapuri-puri

sa buong mundo.

8Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito

sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain

ang inyong mga trigo

sa inyong mga dayuhang kaaway.

Hindi na rin nila maiinom

ang mga bagong alak

na inyong pinaghirapan.

9Kayo mismong nag-aani ng trigo

ang kakain nito,

at pupurihin ninyo ang Panginoon .

Kayo mismong namimitas ng ubas

ang iinom ng katas nito

doon sa aking Templo.”

10Lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod,

at ihanda ninyo ang daraanan

ng iba pa ninyong mga kababayan.

Linisin ninyo ang kanilang daraanan.

Alisin ninyo ang mga bato,

at magtaas kayo ng bandilang

nagpapahiwatig sa mga tao

na pinauuwi na ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan.

11Makinig kayo! Ito ang mensahe ng Panginoon

na ipinahayag niya hanggang

sa dulo ng mundo:

“Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Zion

na ang kanilang Tagapagligtas

ay parating na,

at may dalang gantimpala.”

12Tatawagin silang “Banal”[#62:12 : O ibinukod para sa Diyos.]

at “Iniligtas ng Panginoon .”

At ang Jerusalem naman ay tatawaging,

“Lungsod na Pinananabikan”

at “Lungsod na hindi na Pinabayaan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.