1Subalit hindi mananatili ang kadiliman sa mga naghihinagpis magpakailanman. Noong unaʼy hinamak niya ang lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, ngunit sa darating na araw ay pararangalan niya ang dinadaanan patungo sa lawa, ang lupain sa ibayo ng Ilog Jordan, ang Galilea na lugar ng mga Hentil.
2Ang mga taong nabubuhay sa kadiliman
ay nakakita
ng matinding kaliwanagan.
Kahit silaʼy nababalot
ng matinding kadiliman,
sila ay maliliwanagan.
3Panginoon , pinalawak ninyo
ang kanilang bansa
at silaʼy nag-uumapaw sa tuwa.
Nagagalak sila sa inyong harapan
katulad ng mga taong nagagalak
sa panahon ng anihan,
katulad ng mga mandirigmang nagdiriwang
sa paghahati-hati nila
ng mga nasamsam.
4Binali ninyo ang pamatok
na naging pabigat,
ang tungkod sa kanilang balikat,
ang pamalo ng kanilang mang-aapi
katulad noong nalupig ang Midian.
5Ang mga bota ng mga sundalo
at ang mga uniporme nilang
tigmak ng dugo
ay susunugin bilang panggatong sa apoy.
6Ipapanganak ang isang batang lalaki
na maghahari sa amin.
Tatawagin siyang,
“Kahanga-hangang Tagapayo,
Diyos na Makapangyarihan,
Walang Hanggang Ama,
at Prinsipe ng Kapayapaan.”
7Hindi magwawakas ang pag-unlad
ng kanyang pamamahala,
at maghahari ang kapayapaan.
Siya ang magmamana ng kaharian ni David.
Patatatagin niya ito at paghahariang
may katarungan at katuwiran
magpakailanman.
Sisiguraduhin ng Panginoon
ng mga Hukbo na matutupad ito.
8Sinabi ng Panginoon
na parurusahan niya ang Israel,
ang lahi ni Jacob.
9At alam ito ng lahat ng tao sa Efraim,[#9:9 : O malalaman.; #9:9 : Ginagamit na pantukoy sa Israel.]
pati ng mga nasa Samaria
na kabisera nito.
Ngunit nagmamataas pa rin sila
at payabang na sinasabi,
10“Mawasak man ang mga itinayo naming bahay
na yari sa brik at kahoy na sikomoro,
papalitan naman namin ito
ng bato at kahoy na sedro.”
11Ngunit palalakasin ng Panginoon
ang mga kaaway ni Rezin
laban sa kanila,
at uudyukan ang lahat
ng mga kalaban niya.
12Sasakmalin ng mga taga-Aram
ang Israel sa gawing silangan
at mga Filisteo sa gawing kanluran.
Ngunit hindi pa rin humuhupa
ang poot ng Panginoon ,
at nakahanda pa rin siyang
magparusa sa kanila.
13Ngunit ayaw pa ring magbalik-loob
ng mga Israelita
kahit na silaʼy naparusahan,
at ayaw din nilang hanapin
ang Panginoon ng mga Hukbo.
14Kaya puputulin ng Panginoon
ang buntot at ulo ng Israel,
ang sanga ng maharlikang palma
at ang hamak na tambo
sa isang araw lamang.
15Ang ulo ay ang mga pinuno
at ang mga iginagalang na tao,
at ang buntot
ay ang mga sinungaling na propeta.
16Ang mga namumuno sa mga taong ito
ang nagliligaw sa kanila,
kaya ang mga sumusunod
ay naliligaw ng daan.
17Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon
sa mga kabataan nilang lalaki,
at hindi niya kinakaawaan
ang kanilang mga ulilaʼt mga biyuda.
Sapagkat masama ang lahat
at hindi makadiyos;
nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.
Kaya hindi pa rin humuhupa
ang poot ng Panginoon,
at nakahanda pa
siyang magparusa sa kanila.
18Sapagkat ang kasamaan nila
ay tulad ng apoy
na tumutupok ng mga halamang
may tinik.
Naglalagablab itong tulad ng apoy
na tumutupok ng mga kahoy,
at ang makapal na usok
ay pumapailanlang.
19Dahil sa galit
ng Panginoon ng mga Hukbo,
masusunog ang buong lupain,
at magiging panggatong
sa apoy ang mga tao.
Hindi nila kahahabagan
kahit ang sarili nilang kababayan.
20Anumang pagkain ang makita nila
ay kukunin nila at kakainin,
ngunit hindi pa rin sila mabubusog.
Kaya pati ang kanilang mga anak
ay kanilang kakainin.
21Mag-aaway ang mga taga-Manases
at ang mga taga-Efraim,
at lulusubin nilang dalawa ang Juda.
Subalit ang poot ng Panginoon
ay hindi pa rin humuhupa
at nakahanda pa
siyang magparusa sa kanila.