The chat will start when you send the first message.
1Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel.
At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan at magiging sa kanila. Sapagkat sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ang hindi pa nakakatanggap ng lupaing ipinamana sa kanila.
2Kaya nagsugo ang lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa lahi nila upang manmanan at siyasatin ang lupain. Ang limang lalaki ito ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.
Nang umalis na sila upang maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim, at doon sila natulog.
3Habang naroon sila, nalaman nilang hindi tagaroon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”
4Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at siya ang nagpapasahod sa akin.”
5Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Diyos kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.”
6Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”
7Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Lais. Nakita nila na namumuhay ang mga tao roon nang matiwasay, tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar at panatag ang loob ng mga tao. Hindi nagkukulang ang kanilang lupain ng anumang bagay kaya mayayaman sila. Malayo rin sila sa mga Sidoneo at walang ugnayan sa ibang tao.[#18:7 O Walang gumagambala sa kanila upang sakupin ang kanilang lupain.]
8Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan, “Ano ang nakita ninyo doon?”
9Sinabi nila, “Tayo na, lusubin na natin sila! Sapagkat nakita namin ang lupain at napakainam nito. Ano pang hinihintay natin? Bilisan natin at sakupin na natin ito!
10Kapag pumunta kayo doon, matatagpuan ninyo ang mga taong walang pag-aalinlangan. Malawak ang kanilang lupain at hindi nagkukulang ng anumang bagay. Ibibigay iyon ng Diyos sa atin.”
11Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang animnaraang armadong lalaki mula sa lahi ni Dan upang makipaglaban.
12Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat-jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Mahane Dan.)
13Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kaburulan ng Efraim.
14Pagkatapos, sinabi sa kanila ng limang lalaking nagmanman sa Lais, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may efod, may diyos-diyosan na nababalutan ng pilak, at iba pang diyos-diyosan? Kaya alam nʼyo na kung ano ang dapat gawin.”
15Lumiko sila papunta sa bahay ni Micas at kinumusta ang binatilyong Levita na nakatira roon.
16Samantala, ang animnaraang armadong lalaki mula sa lahi ni Dan ay nakatayo sa may pintuan ng lungsod.
17Pinasok ng limang lalaking nagmanman sa lupain ang bahay ni Micas at kinuha ang mga imaheng yari sa kahoy at bakal, ang efod, at ang iba pang diyos-diyosan, habang ang pari ay nakatayo sa may pintuan ng lungsod kasama ang animnaraang armadong lalaki.
18Nang makita ng pari na pinasok nila ang bahay ni Micas at kinuha ang lahat ng nasa sambahan, tinanong niya, “Anong ginagawa nʼyo?”
19Sumagot sila, “Tumahimik ka! Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming tagapayo at pari. Hindi baʼt mas mabuting maging pari ka ng isang lahi kaysa ng isang pamilya lang?”
20Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang efod, ang mga imahen, at ang iba pang mga diyos-diyosan, at sumáma sa kanila.
21Ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay, at nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga ari-arian.
22Nang malayu-layo na sila sa bahay ni Micas, nagtipon ang mga kapitbahay ni Micas at hinabol nila ang lahi ni Dan.
23Sinigawan nila ang mga ito. Lumingon sila at tinanong si Micas, “Anong problema at nagtipon ka ng ganyang karaming tao?”
24Sumagot si Micas, “Kinuha ninyo ang mga diyos-diyosang ipinagawa ko, pati na rin ang aking pari; pagkatapos, umalis na lamang kayo. Wala nang natira sa akin. Ngayon, ako pa ang tinatanong ninyo kung anong problema?”
25Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.”
26At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.
27Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Lais dala ang mga diyos-diyosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Lais, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Lais, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod.
28Walang tumulong sa mga taga-Lais dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet-rehob.
Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito.
29Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nitong Lais, ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob.
30Ipinatayo nila roon ang imahen ng diyos-diyosan para sambahin nila. Si Jonatan na anak ni Gerson at apo ni Moises kasama ang kanyang mga anak ang naglingkod bilang mga pari ng lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag ng mga taga-Israel.
31At habang ang Tabernakulo ng Diyos ay naroon pa sa Silo, ang diyos-diyosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.