Mga Hukom 20

Naghanda ang Israel sa Pakikipaglaban

1Ang lahat ng Israelita mula Dan hanggang sa Beer-seba at mula sa Gilead ay nagtipon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon .

2Naroon din ang pinuno ng bawat lahi ng Israel nang magtipon ang mga mamamayan ng Diyos. May apatnaraang libo silang lahat na sundalong armado ng espada.

3Nabalitaan ng mga taga-Benjamin na ang ibang mga lahi ng Israel ay nagtipon sa Mizpa. At ngayon nagtatanong ang mga Israelita, “Paano nangyari ang kasamaang ito?”

4Sinabi ng Levita na asawa ng babaeng pinatay, “Dumaan kami ng aking asawang alipin sa Gibea na sakop ng Benjamin upang doon magpalipas ng gabi.

5Kinagabihan, pinaligiran ng ilang lalaking taga-Gibea ang bahay na tinutuluyan namin. Papatayin sana nila ako, pero ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa namatay ito.

6Kaya dinala ko pauwi ang bangkay niya at pinagputol-putol at ipinadala sa labindalawang lahi ng Israel, dahil sa ginawa nila ang kakila-kilabot at kahiya-hiyang sa buong Israel.

7Lahat tayong mga Israelita, ano ngayon ang gagawin natin?”

8Nagkaisa ang mga tao na nagsabi, “Wala ni isa man sa atin ang uuwi.

9Ito ang gagawin natin. Magpalabunutan tayo kung sino sa atin ang lulusob sa Gibea.

10Ang ikasampung bahagi ng lahat ng lalaki sa bawat lahi ang mag-aasikaso sa pagkain ng mga sundalo. Ang natitira ang maghihiganti sa mga taga-Gibea dahil sa kahiya-hiyang bagay na ginawa nila sa kalagitnaan natin.”

11Kaya nagkaisa ang mga lalaki ng Israel sa paglusob sa Gibea.

12Nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin at sinabi, “Ano itong kasamaang nangyari sa inyo?

13Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.”

Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga kapwa nila Israelita.

14Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea upang makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita.

15Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng dalawampuʼt anim na libong sundalo hindi pa kasama rito ang pitong raang piling sundalo na taga-Gibea.

16Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang pitong raang taong ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok.

17Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng apatnaraang libong sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.

18Bago makipaglaban, pumunta ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Diyos. Sabi nila, “Sino sa amin ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin?”

Sumagot ang Panginoon , “Ang lahi ni Juda.”

19Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea.

20At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumuwesto na ang mga Israelita upang makipaglaban sa lahi ni Benjamin.

21Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea upang lusubin sila. At sa araw na iyon, dalawampuʼt dalawang libong Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.

22Ngunit pinalakas ng mga Israelita ang loob ng bawat isa at muli silang pumuwesto sa dating lugar kung saan sila nakipaglaban sa nakaraang araw.

23Pumunta ulit sila sa Betel at umiyak sa harapan ng Panginoon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon , “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kapatid naming taga-Benjamin?”

Sumagot ang Panginoon , “Oo, muli kayong makikipaglaban.”

24At nang sumunod na araw, nilusob nila ang mga taga-Benjamin.

25Ngunit lumabas muli ang mga taga-Benjamin sa Gibea at sinalubong ang mga kapwa nila Israelita. At sa pagkakataong iyon, napatay na naman nila ang labingwalong libong Israelita na armado lahat ng espada.

26Kaya umahon muli ang lahat ng Israelita sa Betel at umiyak sa presensya ng Panginoon . Nag-ayuno sila hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan.

27Ang mga Israelita ay sumasangguni sa Panginoon . (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ng Diyos ay nasa Betel,

28at ang namamahala rito ay si Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron.) Nagtanong muli ang mga Israelita sa Panginoon , “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin o hindi na po?”

Sumagot ang Panginoon , “Muli kayong makipaglaban, dahil bukas ay pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

29Kaya pinaligiran ng mga Israelita ang Gibea.

30Pumwesto muli sila sa lugar ding iyon. Ikatlong araw ito ng kanilang paglusob.

31Muli silang sinalubong ng mga taga-Benjamin na lumalabas mula sa lungsod. At katulad ng nangyari sa mga nakaraang araw, may napatay silang mga Israelita. May tatlumpung Israelita ang namatay sa bukirin at sa mga daan papunta sa Betel at sa Gibea.

32Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita upang dalhin sila papalayo ng lungsod.

33Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal-tamar, pumuwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid ng Gibea ay nagsisilabasan.[#20:33 : O kanluran.]

34Sampung libo silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila.

35Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada.

36At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.

Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel upang makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea.

37At biglang lumusob ang mga taong nag-aabang sa Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon.

38Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea,

39babalik sila sa pakikipaglaban.

Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng tatlumpung Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita.

40At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod.

41Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila.

42Kaya tumakas sila sa mga Israelita papunta sa ilang, ngunit hindi na nila natakasan ang labanan. At silaʼy nilipol doon ng mga Israelitang lumalabas sa mga bayan.

43Pinaligiran sila ng mga Israelita at hindi tumigil ang mga ito sa paghabol sa kanila hanggang sa silangan ng Gibea.

44May labingwalong libong matatapang na sundalo ng Benjamin ang namatay.

45Tumakas ang iba papunta sa ilang sa Bato ng Rimon, pero limang libo ang namatay sa kanila sa daan. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita hanggang sa Gidom at nakapatay pa ang mga Israelita ng dalawang libo.

46Sa kabuuan, dalawampuʼt limang libong matatapang na taga-Benjamin ang namatay nang araw na iyon. Mga magagaling sila na sundalo at armado ng espada.

47Ngunit may animnaraan pang taga-Benjamin ang nakatakas sa Bato ng Rimon, at doon sila nanatili sa loob ng apat na buwan

48Pagkatapos, bumalik ang mga Israelita sa mga bayan ng Benjamin at pinatay nila ang mga natitirang buhay pa, pati ang mga hayop. At sinunog nila ang lahat ng mga bayan na madaanan nila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.