The chat will start when you send the first message.
1Nagtira ang Panginoon ng ibang mga bansa sa Canaan upang subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan.
2Ginawa ito ng Panginoon upang turuang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito.
3Ito ang mga itinira ng Panginoon : ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga taga-Sidon, at ang mga Heveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Lebo-hamat.
4Ginawa ito ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita kung tutuparin nila ang mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises.
5Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at mga Jebuseo.
6Hinayaan nilang makipag-asawa ang kanilang mga anak sa mga anak ng mga taong ito, at sumamba rin sila sa kanilang mga diyos-diyosan.
7Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Diyos at sumamba sa mga imahen ni Baal at ni Ashera.
8Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan-rishataim ng Aram-naharaim. Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.[#3:8 : Isang lugar sa Mesopotamia.]
9Ngunit nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon , binigyan niya sila ng isang taong magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb.
10Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon , at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan-rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon .
11Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.
12Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon . Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab.
13Sa tulong ng mga Amonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[#3:13 : Sa Hebreo, lungsod ng mga palma.]
14Sinakop sila ni Eglon sa loob ng labingwalong taon.
15Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan silang muli ng isang taong magliligtas sa kanila. Siya ay si Ehud, na isang kaliwete, na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab upang ibigay dito ang buwis ng Israel.
16Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit.
17Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na isang napakatabang tao.
18Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala nito.
19Ngunit nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim na mensahe po akong sasabihin sa inyo.”
Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya.
20Pagkatapos, lumapit si Ehud sa haring mag-isang nakaupo sa malamig niyang kuwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Diyos.” Nang tumayo ang hari,
21binunot ni Ehud gamit ang kanyang kaliwang kamay ang espada sa kanyang kanang hita, at sinaksak sa tiyan ang hari.
22Tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.
23Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kuwarto at ikinandado ang mga pinto.
24Nang makaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nilang sarado ang mga pinto. Akala nilaʼy nasa palikuran ang hari.
25Kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Ngunit nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ang mga ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig at patay na.
26Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira.
27Pagdating niya sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta upang tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kaburulan sa pangunguna ni Ehud.
28Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao.
29Nang araw na iyon, nakapatay sila ng sampung libong malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila.
30Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng walumpung taon.
31Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang hukom. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng animnaraang Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy ng baka.