Mga Hukom 5

Ang Awit ni Debora

1Nang araw ding iyon, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:

2“Purihin ang Panginoon !

Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban

at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.

3“Makinig kayong mga hari at mga pinuno!

Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon ,

ang Diyos ng Israel!

4“O Panginoon , nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,

at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,

ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.

5Nayanig ang mga bundok sa harapan ng Panginoon , ang Diyos ng Bundok Sinai;

oo, sa presensya ng Panginoon , ang Diyos ng Israel.

6“Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat

at nang panahon ni Jael,

walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.

Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan

sa mga liku-likong daan.

7Walang nagnanais tumira sa Israel,

hanggang sa dumating ka, Debora,

na kinikilalang ina ng Israel.

8Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong diyos,

sumiklab ang digmaan sa pinto ng bayan.

Ngunit sa apatnapung libong Israelita,

ni isang kalasag o sibat man lang ay walang nakita.

9Nagagalak ang aking puso

dahil sa mga pinuno ng Israel

at sa mga Israelitang nagkusang makibahagi

sa digmaang ito.

Purihin ang Panginoon !

10“Kayong mayayamang nakasakay sa mga puting asno

at nakaupo sa magagandang upuan nito,

at kayong mga mahihirap na naglalakad lang,

makinig kayo!

11Pakinggan nʼyo ang himig

ng mga mang-aawit sa mga balon.

Isinasalaysay nila ang mga tagumpay ng Panginoon

sa pamamagitan ng kanyang mamamayan sa mga nayon.

“Pagkatapos, nagmartsa ang kanyang mga mamamayan

sa may pintuan ng lungsod na nagsasabing,

12‘Gumising ka, Debora, gumising ka!

Bumangon ka, at simulan mong umawit!

Humayo ka, Barak na anak ni Abinoam;

hulihin mo silaʼt iyong bihagin!’

13“Ang mga natirang buháy na mga mamamayan ng Panginoon

ay kasama kong bumaba upang lusubin

ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.

14Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim,

na nooʼy pinag-ugatan ng mga Amalekita.

Sumunod sila sa lahi ni Benjamin

at ang kanilang mga sundalo.

Lumusob rin ang mga kapitan ng mga hukbo ng Maquir;

mula sa lahi ni Zebulun

dumating ang mga namumuno.

15Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar

kina Debora at Barak papunta sa lambak.

Ngunit ang lahi naman ni Ruben ay walang pagkakaisa,

kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.

16O lahi ni Ruben, magpapaiwan na lang ba kayo

kasama ng mga tupa?

Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag

ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa?

Wala talaga kayong pagkakaisa,

kaya hindi kayo makapagpasya

kung ano ang dapat ninyong gawin.

17Nagpaiwan din ang lahi ni Gilead

sa silangan ng Jordan,

at ang lahi ni Dan naman

ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.

Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan

sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.

18Ngunit itinaya ng lahi nina Zebulun at Neftali

ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.

19“Dumating ang mga haring Cananeo

at nakipaglaban sa Taanac at nasa tabi ng Ilog ng Megido,

ngunit kahit isang pilak ay wala silang sinamsam.

20Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera,

kundi pati rin ang mga bituin.

21Inanod sila sa Ilog Kison,

ng rumaragasang agos, ng napakatagal nang ilog.

Ngunit magpapakatatag ako

at magpapatuloy sa pakikipaglaban nang may lakas.

22At ngayon, maririnig ang yabag

ng mga paa ng mga kabayo.

23Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon ,

‘Sumpain ang Meroz!

Sumpain kayong mga naninirahan dito

dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon

sa mga makapangyarihang tao.’

24“Higit na pinagpala si Jael na asawa ni Heber na Cineo

kaysa sa lahat ng babaeng nakatira sa mga tolda.

25Nang humingi ng tubig si Sisera,

gatas ang kanyang ibinigay

na nakalagay sa mamahaling sisidlan.

26Kinuha niya ang tulos ng tolda gamit ang kaliwang kamay

at ang martilyo na pamukpok naman sa kaliwang kamay.

Pinukpok niya sa ulo si Sisera,

binasag ito at dinurog ang kanyang sentido.

27At humandusay sa paanan niya si Sisera;

bumagsak at bumulagta;

at kung saan ito humandusay

doon ito namatay.

28“Nakadungaw sa bintana ang ina ni Sisera;

hindi mapakali at nagtatanong,

‘Bakit hindi pa dumarating ang aking anak?

Bakit hindi pa marinig ang tunog ng mga karwahe niya?’

29Sumagot ang mga pinakamatalino

sa kanyang mga kababaihan,

at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,

30‘Siguradong natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga sinamsam;

isa o dalawang babae para sa bawat sundalo,

mga makukulay na damit para kay Sisera,

at magagarang binurdang damit para sa akin.’

31“Kaya malipol sana

ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon .

Ngunit ang mga nagmamahal sa inyoʼy

matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.”

At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.