Mga Hukom 6

Si Gideon

1Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon , kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Midianita sa loob ng pitong taon.

2Napakalupit ng mga Midianita, kaya napilitan ang mga Israelita na magtago sa mga bundok, mga kuweba at sa iba pang tagong lugar.

3Tuwing magtatanim ang mga Israelita, nilulusob sila ng mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan.

4Nagkakampo sila sa lugar ng mga Israelita at sinisira ang mga pananim nito hanggang sa Gaza. Kinukuha nila ang lahat ng tupa, baka at asno; wala talaga silang itinitira para sa mga Israelita.

5Sumasalakay silang dala ang kanilang tolda at mga hayop na kasindami ng mga balang. Hindi sila mabilang pati ang kanilang mga kamelyo. Winasak nila ang lupain.

6Naging kahabag-habag ang kalagayan ng mga Israelita, dahil sa mga Midianita, kaya humingi sila ng tulong sa Panginoon .

7Nang tumawag sila sa Panginoon dahil sa mga taga-Midian,

8pinadalhan sila ng Panginoon ng isang propeta na nagsabi sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Diyos: ‘Inilabas ko kayo sa Ehipto na kung saan inalipin kayo.[#6:8 : Sa Hebreo, Diyos ng Israel.]

9Iniligtas ko kayo sa mga Ehipsiyo at sa lahat ng umaapi sa inyo. Pinagtagumpay ko kayo sa kanila at ibinigay ko sa inyo ang kanilang mga lupain.

10Sinabi ko sa inyo, ako ang Panginoon na inyong Diyos at hindi nʼyo dapat sambahin ang mga diyos ng mga Amoreo kung saan kayo nakatira ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

11Pagkatapos, dumating ang anghel ng Panginoon sa Ofra. Naupo siya sa ilalim ng puno ng terebinto na pag-aari ni Joas na mula sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay naggigiik noon ng trigo sa ilalim ng pisaan ng ubas para hindi makita ng mga Midianita ang trigo.

12Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”

13Sumagot si Gideon, “Ipagpaumanhin po ninyo, Ginoo, pero kung sumasaamin nga ang Panginoon , bakit ganito ang nangyari sa amin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga kababalaghang gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa Ehipto? Ngunit ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”

14Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”

15Sumagot si Gideon, “Ngunit paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manases at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”

16Sumagot ang Panginoon , “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lamang sa isang tao.”

17Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon , bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin.

18Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”

Sumagot ang Panginoon , “Hihintayin kita.”

19Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing, at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.

20Sinabi sa kanya ng anghel ng Diyos, “Ipatong mo ang karne at tinapay na walang pampaalsa sa batong ito, at buhusan mo ng sabaw.” Sinunod ito ni Gideon.

21Pagkatapos, inabot ng anghel ng Panginoon ang pagkain sa pamamagitan ng tungkod na hawak niya. Bigla na lang lumabas ang apoy mula sa bato at tinupok ang karne at ang tinapay na walang pampaalsa. At nawala na ang anghel ng Panginoon .

22Nang mapatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Makapangyarihang Panginoon , nakita ko po nang harapan ang anghel ng Panginoon !”

23Ngunit sinabihan siya ng Panginoon , “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”

24Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ay Kapayapaan.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.

25Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawang toro ng iyong ama, iyong pitong taóng gulang na. At gamitin mo ito para gibain ang altar na ipinatayo ng iyong ama para kay Baal. Putulin mo rin ang katabi nitong posteng imahen ni Ashera.

26Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, sa ibabaw ng bundok na ito. Kunin mo ang toro at ialay mo sa akin bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong posteng imahen ni Ashera.”

27Kaya nagsama si Gideon ng sampu sa kanyang mga utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon . Ngunit dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan, ginawa niya ito sa gabi at hindi sa araw.

28Kinaumagahan, nakita ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal, at putol-putol na ang posteng imahen ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa toro na inihandog sa bagong altar.

29Tinanong nila ang isaʼt isa, “Sino ang gumawa nito?”

Nang maigi nilang siniyasat ito, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa nito.”

30Kayaʼt sinabihan nila si Joas, “Ilabas mo ang iyong anak! Dapat siyang mamatay dahil giniba niya ang altar ni Baal at pinagpuputol ang posteng imahen ni Ashera.”

31Sumagot si Joas sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang sinumang magtatanggol sa kanya ay dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong diyos, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.”

32Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay, “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.

33Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel.

34Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta upang tawagin ang mga angkan ni Abiezer upang sumunod sa kanya.

35Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang tawagin sila na sumáma sa pakikipaglaban. At sumáma sila kay Gideon.

36Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako upang iligtas ang Israel.

37Ngayon, maglalagay po ako ng balahibo ng tupa sa lupang ginigiikan namin ng trigo. Kung mabasa po ito ng hamog kahit tuyo ang lupa, malalaman ko po na ako nga ang gagamitin nʼyo upang iligtas ang Israel ayon sa sinabi ninyo.”

38At ganoon nga ang nangyari. Nang sumunod na araw, maagang gumising si Gideon at kinuha ang balahibo ng tupa at piniga, at napuno ng tubig ang isang mangkok.

39Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin; may isa na lang po akong kahilingan sa inyo. Nais ko po ng isa pang pagsubok para sa balahibo ng tupa. Gusto ko po sanang mabasa ng hamog ang lupa pero manatiling tuyo ang balahibo ng tupa.”

40Kinagabihan, ginawa nga ito ng Diyos. Tuyo ang balahibo ng tupa ngunit basa naman ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.