The chat will start when you send the first message.
1Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila,
2“Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng pitumpung anak ni Gideon o ng isang tao lang? Alalahanin ninyo na akoʼy kadugo ninyo.”
3Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito.
4Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa upang sumunod sila sa kanya.
5Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang pitumpung kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Ngunit ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito.[#9:4‑5 : O humigit kumulang pitumpu.]
6Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet-milo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.
7Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Diyos!
8Isasalaysay ko sa inyo ang isang kuwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’
9“Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao? Hindi!’
10“At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’
11“Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!’
12“Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’
13“Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao? Hindi!’
14“Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’
15“Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Ngunit kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”
16At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya?
17Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama upang iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo.
18Ngunit ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang kanyang pitumpung anak sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari ng Shekem si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya.
19Kaya kung para sa inyoʼy tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo.
20Ngunit kung hindi, magbuga nawa ng apoy si Abimelec at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem at Bet-milo. At magbuga rin nawa ng apoy ang mga mamamayan ng Shekem at Bet-milo at lamunin si Abimelec.”
21At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.
22Pagkatapos ng tatlong taon ng pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita,
23pinag-away ng Diyos si Abimelec at ang mga taga-Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec.
24Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa pitumpung anak ni Gideon.
25Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok upang nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.
26Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem.
27Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang diyos. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec.
28Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi baʼt anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat ay doon kayo magpasakop sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor.
29Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”
30Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit.
31Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinasasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat nila ang mga tao na lumaban sa iyo.
32Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod.
33Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kapag nakipaglaban sila Gaal, gawin mo ang makakaya mo para talunin sila.”
34Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem.
35Nang makita nilang lumabas si Gaal at tumayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila upang lumusob.
36Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.”
Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang ay tao.”
37Sinabi ni Gaal, “Ngunit tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[#9:37 : Sa literal, terebinto ng mga manghuhula.]
38Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”
39Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec.
40Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.
41Pagkatapos noon, nanirahan si Abimelec sa Aruma, at hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.
42Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem.
43Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob.
44Ang grupo ni Abimelec ay pumuwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran.
45Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga ang mga tagaroon. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.
46Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa muog ng templo ni El-berit na napapalibutan ng pader.[#9:46 : O Baal-berit.]
47Nang malaman ito ni Abimelec,
48dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan.
49Kaya bawat isa sa kanila ay pumutol ng mga sanga at sinundan si Abimelec. Itinambak nila ang mga sanga sa paligid ng muog ng templo at sinindihan ito. Kaya namatay lahat ang mga taong nakatira sa Tore ng Shekem, mga isang libong lalaki at babae.
50Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito.
51Ngunit may matatag na tore ang lungsod kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore.
52Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito,
53hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo.
54Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo upang hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan.
55Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec na patay na siya, nagsiuwi na sila.[#9:55 : Sa literal, mga Israelita.]
56Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa pitumpu niyang kapatid.
57Pinagbayad din ng Diyos ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.