Jeremias 42

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

1Pagkatapos, lumapit kay Jeremias sina Johanan na anak ni Karea, at Jezanias na anak ni Hosaias, at ang kasama nilang opisyal ng mga sundalo, at ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.[#42:1 Sa Griyego, Azarias. Tingnan din sa 43:2]

2Sinabi nila sa propetang si Jeremias, “Nakikiusap kami sa iyo, kaming mga natitira, na ipanalangin mo kami sa Panginoon na iyong Diyos. Marami kami noon, pero ngayon kakaunti na lang katulad ng nakikita mo.

3Manalangin ka sa Panginoon na iyong Diyos para sabihin niya sa amin kung saan kami pupunta at ano ang dapat naming gawin.”

4Sumagot ang propetang si Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Diyos para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”

5Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Diyos ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo.

6Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Diyos, upang maging mabuti ang lahat para sa amin.”

7Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias.

8Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.

9At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon , ang Diyos ng Israel, at ito ang sagot niya:

10Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo.

11Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia, sabi ng Panginoon , sapagkat kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa kanyang mga kamay.

12Kahahabagan ko kayo. Gagawa ako ng paraan upang kahabagan niya kayo at payagang manatili sa inyong lupain.

13“Ngunit kung ayaw ninyong sundin ang Panginoon na inyong Diyos, at sasabihin ninyo, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito.

14Pupunta kami sa Ehipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’

15Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Ehipto at doon manirahan,

16ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo sa Ehipto mamamatay.

17Ang lahat ng may nais manirahan sa Ehipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’

18“Ito pa ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Ehipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’

19“Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Ehipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon.

20Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Diyos at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya.

21Ngunit ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinasasabi niya, ayaw naman ninyong sundin ang Panginoon na inyong Diyos.

22Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Ehipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.