1Sumagot si Job,
2“Ang akala nʼyo baʼy kayo lang
ang marunong
at wala nang matitirang marunong
kapag namatay kayo?
3Ako man ay marunong din
gaya ninyo;
hindi kayo nakahihigit sa akin.
Alam ko rin
ang lahat ng sinasabi ninyo.
4“Ngunit naging katawa-tawa ako
sa aking mga kaibigan,
kahit na matuwid ako
at walang kapintasan,
at kahit sinagot ng Diyos
ang mga dalangin ko noon.
5Ang mga taong naghihirap
na gaya ko
na tila mabubuwal
ay kinukutya ng mga taong
walang problema.
6Ngunit ang mga tulisan
at ang mga taong ginagalit ang Diyos
ay namumuhay nang payapa
gayong ang dinidiyos nilaʼy
ang sarili nilang kakayahan.
7“Ang mga hayop ay iyong tanungin
at ikaʼy kanilang tuturuan,
o di kayaʼy ang mga ibon sa himpapawid
at ikaʼy kanilang papayuhan.
8Kausapin mo ang lupa
at ikaʼy kanyang tuturuan,
o kayaʼy hayaan mong magpahayag saʼyo
ang mga isda sa karagatan.
9Sa lahat nang mga ito,
mayroon bang hindi nakakaalam?
Ang kamay ng Panginoon mismo
ang gumawa nito?
10Nasa kamay niya
ang buhay o hininga
ng bawat nilalang, pati na ng tao.
11Kung alam ng dila ng tao
kung alin ang masarap
o hindi masarap na pagkain,
alam din ng tainga ng tao
kung alin ang mabuti
o masamang salita.
12Maraming alam sa buhay
ang matatanda,
dahil habang tumatagal
ang buhay nila,
lalong dumarami
ang kanilang nalalaman.
13“Ngunit ang Diyos
ay hindi lang nagtataglay
ng karunungan,
nasa kanya rin
ang kapangyarihan,
at siya lang ang nakakaunawa
kung ano ang dapat gawin.
14Walang makapag-aayos
ng kanyang sinisira,
at walang makapagpapalaya
sa kanyang ikinukulong.
15Kung pipigilin niya ang ulan,
matutuyo ang lupa,
at kung ibubuhos naman niya ito,
babahain ang lupa.
16Makapangyarihan siyaʼt matagumpay,
at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan
ang mandaraya at ang dinadaya.
17Inaalisan niya ng karunungan
ang mga tagapayo,
at ginagawang mangmang
ang mga hukom.
18Pinaaalis niya ang mga hari
sa kanilang trono at ipinabibihag.
19Tinatanggal niya sa tungkulin
ang mga pari
at ang mga taong
may kapangyarihan.
20Pinatatahimik niya
ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo
at inaalis ang karunungan ng matatanda.
21Hinahamak niya
ang mararangal na tao
at inaalisan ng kakayahan
ang mga may kapangyarihan.
22Ang mga lihim ay kanyang inihahayag,
at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag.
23Pinalalakas niya ang mga bansa
at pinapalawak ang kanilang teritoryo,
ngunit ibinabagsak din niya ito
at winawasak.
24Ginagawa niyang mangmang
ang kanilang mga pinuno
at inililigaw sila sa ilang.
25Kaya para silang bulag
na nangangapa sa dilim
at susuray-suray na parang
mga lasing.”