1Sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2“Job, ang taong marunong
ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan.
3Hindi siya nakikipagtalo
sa mga salitang walang saysay.
4Ngunit ang mga sinasabi moʼy
magtutulak sa tao
upang mawalan ng paggalang sa Diyos
at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya.
5Ang sinasabi mo
ay bunga ng iyong kasamaan.
At dinadaya mo ang iba
sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi.
6Hindi na kailangang hatulan pa kita,
dahil ang iyong mga sinasabi mismo
ang nagpapatunay laban sa iyo.
7“Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang?
Ipinanganak ka na ba
bago nilikha ang mga bundok?
8Narinig mo na ba
ang mga plano ng Diyos?
Ikaw lang ba ang marunong?
9Ano baʼng alam mo na hindi namin alam?
At ano ang naunawaan mo
na hindi namin naunawaan?
10Natuto kami sa matatanda
na mas matanda pa kaysa sa iyong ama.
11Sinabi namin sa iyo
ang mga salitang mula sa Diyos
na makapagbibigay ng lakas
at aliw sa iyo.
Hindi pa ba sapat iyon?
12Bakit nagpapadala ka
sa iyong damdamin?
At bakit ang mga mata moʼy
nanlilisik sa galit,
13kaya sa iyong pananalitaʼy kinakalaban mo ang Diyos
at nagsasalita ka nang masama?
14“Kaya ba ng isang tao
na mamuhay nang malinis at matuwid
sa paningin ng Diyos?
15Ni hindi nga lubusang
nagtitiwala ang Diyos
sa mga anghel niya.
Kung ang mga nilalang niyang ito
na nasa langit
ay hindi lubusang malinis
sa kanyang paningin,
16ang tao pa kaya na ipinanganak
na masama at makasalanan,
at uhaw sa paggawa ng masama?
17“Job, pakinggan mo ako.
Sasabihin ko sa iyo
at ipapaliwanag ang mga naranasan ko.
18May masasabi rin tungkol dito
ang mga marurunong na tao
na natuto sa kanilang mga ninuno.
19Sila lang ang nagmamay-ari
ng kanilang lupain,
at walang dayuhang sumakop sa kanila.
20Ang taong masama
ay maghihirap habambuhay.
21Palagi siyang kinakabahan
kahit na walang panganib,
dahil iniisip niyang baka salakayin
siya ng mga tulisan.
22Takot din siyang pumunta sa dilim
dahil baka may pumatay sa kanya.
23Kung saan-saan siya
naghahanap ng pagkain.
Alam niyang malapit nang dumating
ang kapahamakan.
24Kaya labis ang kanyang pagkatakot,
katulad ng hari na naghahanda
sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway.
25Nangyayari ito sa kanya
dahil nagrerebelde at sumusuway siya
sa Diyos na Makapangyarihan.
26Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag
at handang kalabanin ang Diyos.
27Kahit na ang mukha niyaʼy nababalot ng taba
at umuumbok ang kanyang bilbil,
28titira siya sa mga gibang bayan,
sa mga bahay na walang nakatira
at malapit nang gumuho.
29Hindi na dadami ang kanyang kayamanan,
at ang mga natitira niyang yaman
at ari-arian ay hindi na magtatagal.
30Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[#15:30 : Sa literal, kadiliman.]
Magiging tulad siya ng puno
na ang mga sangaʼy masusunog.
Lahat ng ari-arian niya ay mawawala
sa isang ihip lamang ng Diyos.
31Huwag sana niyang dayain ang kanyang sarili
sa pamamagitan ng pagtitiwala
sa mga bagay na walang kabuluhan,
dahil wala siyang makukuha sa mga iyon.
32Maagang darating sa kanya
ang kanyang parusa
at hindi na siya uunlad pa.
33At magiging tulad siya ng ubas
na nalalagas ang mga hilaw na bunga
o katulad ng olibong nalalagas
ang mga bulaklak.
34Sapagkat mamamatay
nang walang lahi
ang mga taong walang takot sa Diyos.
At ang mga bahay na itinayo nila
mula sa mga suhol ay masusunog.
35Ang lagi nilang iniisip
ay ang manggulo,
gumawa ng masama, at mandaya.”