Job 30

1“Ngunit ngayon, kinukutya na ako

ng mga mas bata sa akin,

na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan.

Mas mapagkakatiwalaan pa nga

ang mga aso kong tagapagbantay

ng aking kawan

kaysa sa kanila.

2Ano baʼng makukuha ko

sa mga taong ito na mahihina

at talagang wala nang lakas?

3Nangangayayat sila dahil sa labis

na kahirapan at gutom.

Nginangatngat nila maging ang tuyong lupa,

sa kadiliman tigang na ilang.

4Pinipitas nila ang mga halaman sa latian,

at kinakain ang ugat

ng mga tambo.

5Tinataboy sila palayo

sa kanilang mga kababayan

at sinisigawan na parang mga magnanakaw.

6Tumitira sila sa mga lambak,

sa malalaking bitak ng bato

at mga lungga sa lupa.

7Para silang mga hayop

na umaalulong sa kagubatan

at nagsisiksikan sa ilalim

ng maliliit na punongkahoy.

8Wala silang halaga, walang nakakakilala

at pinalayas pa sa kanilang lupain.

9“At ngayon, paawit pa kung akoʼy kutyain

ng kanilang mga anak

at naging katatawanan pa ako sa kanila.

10Namumuhi sila at umiiwas sa akin.

Hindi sila nangingiming

duraan ako sa mukha.

11Ngayong pinanghina ako

at pinahirapan ng Diyos,

ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin.

12Nilusob ako ng masasamang ito

at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan.

Talagang pinagsisikapan nila

akong ipahamak.

13Sinisira nila ang dadaanan ko

upang ipahamak ako.

At nagtatagumpay sila

kahit walang tumutulong sa kanila.

14Sinasalakay nila ako

na parang mga sundalong dumadaan

sa malalaking butas ng gibang pader.

15Takot na takot ako,

at biglang nawala ang karangalan ko

na parang hinipan ng malakas na hangin,

at ang kasaganaan koʼy naglahong

gaya ng ulap.

16“At ngayon ay parang mamamatay na ako;

walang tigil ang aking paghihirap.

17Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko

at hindi nawawala ang sakit nito.

18Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Diyos,

sinunggaban niya ako, hinawakan sa kuwelyo,

19at inihagis sa putik.

Naging parang alikabok

at abo na lang ako.

20“O Diyos, humingi ako ng tulong sa inyo

ngunit hindi kayo sumagot.

Tumayo pa ako sa harapan nʼyo

ngunit tiningnan nʼyo lang ako.

21Naging malupit kayo sa akin.

Pinahirapan nʼyo ako

sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

22Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin

at ipinasalanta sa bagyo.

23Alam kong dadalhin nʼyo ako

sa lugar ng mga patay,

ang lugar na itinakda

para sa lahat ng nilalang.

24“Tiyak na wala akong sinaktang

taong naghihirap

at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan.

25Iniyakan ko pa nga

ang mga taong nahihirapan,

at ang mga dukha.

26Ngunit nang ako naman

ang umasang gawan ng mabuti,

masama ang ginawa sa akin.

Umasa ako ng liwanag

ngunit dilim ang dumating sa akin.

27Walang tigil na nasasaktan

ang aking damdamin.

Araw-araw paghihirap

ang dumarating sa akin.

28Umitim ang balat ko

hindi dahil sa init ng araw

kundi sa aking karamdaman.

Tumayo ako sa harap ng kapulungan

at humingi ng tulong.

29Ang boses koʼy parang alulong

ng asong-gubat o huni ng kuwago.

30Umitim ang balat koʼt natutuklap,

at inaapoy ako ng lagnat.

31Kaya naging malungkot ang tugtugin

ng aking alpa at plauta.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.