The chat will start when you send the first message.
1“Job, kahit humingi ka ng tulong,
walang tutulong sa iyo.
Kahit ang mga anghel
ay hindi ka tutulungan.
2Ang sama ng loob
ay pumapatay sa hangal,
at ang paninibugho
ay pumupuksa sa taong mangmang.
3Ayon sa aking nakita at nalaman,
maaaring umunlad ang pamumuhay
ng isang hangal,
ngunit bigla na lang isusumpa ng Diyos
ang sambahayan niya.
4Ang mga anak niyaʼy
walang malalapitan
at wala ring magtatanggol
sa kanila sa hukuman.
5Ang ani niyaʼy kakainin ng iba.
At kahit ang mga bungang nasa tinikan
ay kukunin ng mga taong gutom.
Ang kayamanan niyaʼy aagawin
ng mga taong uhaw
sa mga ari-arian.
6Ang kahirapan ay hindi galing sa alikabok
at ang kaguluhan
ay hindi umuusbong sa lupa.
7Ngunit likas sa tao
ang ipanganak sa kaguluhan,
tulad ng tilamsik ng apoy
na pumapailanlang.
8“Kung ako sa iyo,
lalapit ako sa Diyos.
Sasabihin ko sa kanya
ang aking kalagayan.
9Sapagkat gumagawa siya
ng mga kahanga-hangang bagay
at mga himalang hindi kayang
unawain o bilangin.
10Nagpapadala siya ng ulan sa mundo
at pinatutubigan niya ang mga bukirin.
11Itinataas niya
ang mga nagpapakumbaba
at kinakalinga ang mga nagdadalamhati.
12Sinisira niya ang plano
ng mga mandaraya,
upang hindi sila magtagumpay.
13Hinuhuli niya ang marurunong
sa kanilang katusuhan,
at hinahadlangan ang plano
ng mga mapanlinlang.
14Hindi sila nakakakita
kahit maliwanag,
at nangangapa sa kadiliman
kahit na katanghalian.
15Inililigtas ng Diyos ang mga dukha
mula sa kamatayan
at sa mga taong makapangyarihan
na umaapi sa kanila.
16Kaya may pag-asa ang mga dukha,
ngunit ang masasama
ay kanyang sinasaway.
17“Mapalad ang taong itinutuwid ng Diyos
ang pag-uugali.
Kaya huwag mong mamasamain
ang pagtutuwid
ng Diyos na Makapangyarihan sa iyo.
18Sapagkat ang sinusugatan niya
ay kanya ring ginagamot.
Ang kanyang sinasaktan
ay kanyang pinapagaling.
19Palagi ka niyang ililigtas
sa mga salot at panganib.
20Ililigtas ka niya sa kamatayan
sa panahon ng taggutom at digmaan.
21Iingatan ka niya
kung sisiraan ka ng iba,
at wala kang katatakutan
kung dumating man
ang kapahamakan.
22Tatawanan mo
ang taggutom at kapahamakan,
at ang mababangis na hayop
ay hindi mo katatakutan.
23Makikipagkasundo ka sa mga bato sa parang
at sa gitna ng mga mababangis na hayop
ay mamumuhay kang may kapayapaan.
24Mamumuhay ng payapa
ang sambahayan mo
at walang mawawala
sa iyong mga hayop.
25Dadami ang iyong angkan
na parang kasindami ng mga damo sa lupa.
26Hahaba ang buhay mo
at hindi ka mamamatay
nang hindi sa tamang panahon.
27“Ayon sa aming nalaman
at naranasan,
ay aming napatunayan
na talagang totoo ang lahat ng ito.
Kaya dinggin mo ito
at isabuhay para sa ikabubuti mo.”