Mateo 15

Ang mga Nakapagpaparumi sa Tao

(Mar. 7:1‑13)

1Pagkatapos noon, lumapit kay Hesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Hesus,

2“Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.”

3Sumagot si Hesus, “At kayo din naman, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon?

4Halimbawa, sinabi ng Diyos, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumalapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[#15:4 Exo. 20:12; Deu. 5:16.; #15:4 Exo. 21:17; Lev. 20:9.]

5Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Diyos,

6hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon.

7Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Diyos tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:

8‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,

ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.

9Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;

pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.’ ”

10Tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko.

11Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”

12Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at tinanong siya, “Alam nʼyo po bang nasaktan ang mga Pariseo dahil sa mga sinabi ninyo?”

13Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin.

14Hayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na taga-akay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”

15Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.”

16Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan?

17Hindi ba ninyo alam na ang lahat ng pumapasok sa bibig ay napupunta sa tiyan at pagkatapos ay lumalabas sa katawan?

18Ngunit ang mga salitang lumalabas sa bibig ng isang tao ay nagmumula sa puso, at ang mga ito ang nagpaparumi sa kanya.

19Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng seksuwal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa.

20Ang mga bagay na ito ang nakapagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

Ang Pananampalataya ng Babaeng Hentil

(Mar. 7:24‑30)

21Umalis si Hesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tiro at Sidon.

22May isang babaeng Cananeo na naninirahan doon. Lumapit siya kay Hesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Sinasapian po ng demonyo ang anak kong babae at labis siyang pinahihirapan nito.”

23Ngunit hindi sumagot si Hesus. Kaya lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.”

24Sinabi ni Hesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.”

25Ngunit lumapit pa ang babae kay Hesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako!”

26Sinagot siya ni Hesus, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.”

27Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, ngunit kahit ang mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.”

28At sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananampalataya! Matutupad ang hinihiling mo.” At sa sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.

Pinakain ni Hesus ang Apat na Libo

(Mar. 8:1‑10)

29Mula roon, pumunta si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon.

30Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, paralitiko, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Hesus at pinagaling niya silang lahat.

31Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita ang mga pipi, gumaling ang mga paralitiko, nakakalakad ang mga pilay, at nakakakita ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.

32Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at mahihilo sila sa daan.”

33Sumagot ang kanyang mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?”

34Tinanong sila ni Hesus, “Ilan ang tinapay nʼyo diyan?”

Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.”

35Pinaupo ni Hesus ang mga tao.

36Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa kanyang mga alagad, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao.

37Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, inipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket.

38Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga apat na libo maliban pa sa mga babae at mga bata.

39Matapos pauwiin ni Hesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.