The chat will start when you send the first message.
1“Ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa kuwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa.
2Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa kanyang ubasan.
3“Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan.
4Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’
5Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan.
“Muli siyang lumabas bandang tanghali at mga alas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya.
6Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo diyan at walang ginagawa?’
7“Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’
“Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’
8“Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’
9“Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho.
10Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Ngunit tumanggap din sila ng ganoon ding halaga.
11Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan.
12Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, ngunit pareho lang ang sahod namin!’
13“Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho?
14Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Nagpasya ako na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho.
15Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ”
16Pagkatapos sinabi ni Hesus, “Ang mga hamak ngayon ay magiging dakila, at ang mga dakila ngayon ay magiging hamak.”
17Habang naglalakad sina Hesus papuntang Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad sa mga tao. Sinabi niya sa kanila,
18“Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan
19at ibibigay sa mga hindi Hudyo para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.”
20Pagkatapos nito, lumapit kay Hesus ang ina ni Santiago at ni Juan na mga anak ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya kay Hesus dahil may gusto siyang hilingin.
21Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang gusto mo?”
Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
22Ngunit sinagot sila ni Hesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inumin ang nasa kopang iinuman ko?”
Sumagot sila, “Opo, kaya namin.”
23Sinabi ni Hesus, “Maaaring iinom nga kayo sa kopang iinuman ko, ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga itoʼy para sa mga taong pinaglaanan ng aking Ama.”
24Nang malaman ng sampung alagad kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa mga ito.
25Kaya tinawag silang lahat ni Hesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anoʼng gustuhin nila ay nasusunod.
26Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo.
27At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo.
28Maging ang Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at magbigay ng kanyang buhay para maligtas ang maraming tao.”
29Nang papaalis na sa Jerico si Hesus at ang kanyang mga alagad, sinundan sila ng napakaraming tao.
30Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Hesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!”
31Ngunit sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!”
32Tumigil si Hesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?”
33Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.”
34Naawa si Hesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Hesus.