The chat will start when you send the first message.
1At lumabas si Hesus sa Templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga alagad niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo.
2Sinabi ni Hesus, “Nakikita nʼyo ba ang mga ʼyan? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng ʼyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”
3Habang nakaupo si Hesus sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga alagad niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo. At ano po ang palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4Sumagot si Hesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman.
5Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Mesias, at marami ang kanilang ililigaw.
6Makakarinig kayo ng mga digmaan, at usap-usapan na may mga digmaan, ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan.
7Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar.
8Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating na maihahalintulad sa pasimulang sakit na nararanasan ng isang babaeng manganganak.
9“Sa panahong iyon, kamumuhian kayo ng lahat ng mga lahi dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo para parusahan at patayin.
10Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila.
11Lilitaw ang maraming bulaang propeta at marami ang ililigaw nila.
12Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng marami.
13Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.
14Ipapangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.
15“At makikita ninyong magaganap ang sinabi ni propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa Banal na Lugar. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng banal na lugar,[#24:15 Dan. 9:27; 11:31; 12:11.]
16ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.
17Ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit.
18Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit.
19Kaawa-awa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!
20Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga.
21Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan.
22“Kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.
23Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Mesias!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala.
24Sapagkat lilitaw ang mga di-tunay na Mesias at mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na tanda at kababalaghan para manlinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Diyos.
25Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.
26“Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Mesias sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’ huwag kayong maniniwala.
27Sapagkat ang Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran.
28May kasabihan, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’
29“Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan,
‘magdidilim ang araw,
hindi na magliliwanag ang buwan,
at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit.
Ang mga kapangyarihan sa kalawakan ay mayayanig.’
30“Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng kanyang pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.
31Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala niya ang kanyang mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang kanyang mga pinili.
32“Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init.
33Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong bumalik.
34Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.
35Ang langit at lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita koʼy mananatili magpakailanman.
36“Subalit walang nakakaalam tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak ng Diyos. Ang Ama lang ang nakakaalam nito.
37Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ng Anak ng Tao.
38Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko.
39Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
40Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
41At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang isa.
42“Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon.
43Tandaan ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng isang bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay.
44Kaya maging handa rin kayo, dahil ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
45“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain sa tamang oras.
46Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin.
47Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito.
48Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo,
49kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo.
50Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan,
51at paparusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon siyaʼy tatangis at magngangalit ang kanyang ngipin.”