The chat will start when you send the first message.
1“Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lamang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.
2“Kaya kapag nagbibigay kayo ng limos, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao sa mga sinagoga at sa mga daan para purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala.
3Sa halip, kung magbibigay kayo ng limos, huwag ninyong ipaalam sa inyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng inyong kanang kamay,
4upang maging lihim ang pagbibigay ninyo. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo.”
5“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Gustong-gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto ng lansangan para makita sila ng ibang tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila nang buo ang kanilang gantimpala.
6Sa halip, kapag mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kuwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Amang hindi nakikita. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo.
7At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga Hentil. Akala nilaʼy pakikinggan sila kung marami silang sinasabi.
8Huwag nʼyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
9“Kaya manalangin kayo ng katulad nito:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang inyong ngalan.
10Dumating nawa ang inyong kaharian,
at sundin nawa ang inyong kalooban
dito sa lupa katulad ng sa langit.
11Bigyan nʼyo kami ng aming pagkain sa araw-araw,
12at patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin
sa mga nagkakasala sa amin.
13At huwag nʼyong ipahintulot na kamiʼy matukso
kundi iligtas nʼyo po kami sa masama.
[Sapagkat inyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]
14Kung pinapatawad ninyo ang mga taong nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit.
15Ngunit kung hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.’ ”
16“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magkunwaring malungkot katulad ng mga pakitang-tao. Sapagkat sinasadya nilang hindi mag-ayos ng sarili para ipakita sa iba na nag-aayuno sila. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17Sa halip, kung mag-aayuno kayo, mag-ayos kayo ng sarili at maghilamos,
18upang hindi malaman ng iba na nag-aayuno kayo, maliban sa inyong Amang hindi nakikita. At ang inyong Amang nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang siyang gagantimpala sa inyo.
19“Huwag kayong mag-imbak ng mga kayamanan ninyo dito sa lupa, kung saan may insekto at kalawang na naninira, at may kawatang nakakapasok upang magnakaw nito.
20Sa halip, mag-ipon kayo ng kayamanan sa langit, kung saan walang insekto at kalawang na naninira, at walang kawatang papasok upang magnakaw nito.
21Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
22“Ang mata ay parang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan.[#6:22 : Ang ibig sabihin ay “magandang saloobin o malinaw na pag-iisip.”]
23Ngunit kung malabo ang iyong mata, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. Kaya kung dumilim ang ilaw na nasa iyo, magiging napakadilim ng iyong kalagayan.
24“Walang taong makapaglilingkod sa dalawang amo. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kayaʼy magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.
25“Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o iinumin, o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong susuotin. Hindi baʼt mas mahalaga ang buhay kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa damit?
26Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iimbak sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi baʼt mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?
27Kaya ba ninyong dagdagan nang kahit isang oras man lang ang buhay ninyo sa pag-aalala ninyo?
28“At bakit kayo nag-aalala kung ano ang isusuot ninyo? Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o nagtatahi ng damit.
29Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng damit na kasingganda ng mga bulaklak na ito sa kabila ng kanyang karangyaan.
30Kung ganito dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang, na buhay ngayon ngunit bukas ay itatapon sa apoy, kayo pa kaya? Tiyak na bibihisan niya kayo nang higit pa sa mga ito. Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!
31Kayaʼt huwag kayong mag-alala at magsabi, ‘Ano ang kakainin namin?’ o ‘Ano ang iinumin namin?’, o ‘Ano ang susuotin namin?’
32Ito ang mga bagay na pinagsisikapan ng mga Hentil, ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.
33Subalit pagsikapan muna ninyong gawin kung ano ang mahalaga sa kaharian ng Diyos at sundin ang kanyang kalooban, at lahat ng mga pangangailangang ito ay ipagkakaloob niya sa inyo.[#6:33 : Ang ibig sabihin ay “paghahari ng Diyos na nahayag noong dumating si Kristo at ganap na mararanasan sa pagbalik niya.”]
34Kaya huwag ninyong alalahanin ang mangyayari bukas; bukas nʼyo na lamang harapin ang mga nakatakdang kabalisahan nito. Sapat na ang mga kabalisahan ng bawat araw.”