Salmo 105

Salmo 105

(1~Cro. 16:8‑22)

1Pasalamatan nʼyo ang Panginoon .

Sambahin nʼyo siya!

Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.

2Awitan nʼyo siya ng mga papuri;

ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.

3Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.

Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon .

4Magtiwala kayo sa Panginoon ,

at sa kanyang kalakasan.

Palagi kayong dumulog sa kanya.

5-6Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Diyos,

at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,

alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa,

mga himala, at ang kanyang paghatol.

7Siya ang Panginoon na ating Diyos,

siya ang humahatol sa buong mundo.

8Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman;

ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi

9ang pangako niya kay Abraham,

gayon din kay Isaac.

10Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,

at magpapatuloy ito magpakailanman.

11Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,

“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan

bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12Nooʼy iilan pa lang

ang mga mamamayan ng Diyos,

at mga dayuhan pa lang sila

sa lupain ng Canaan.

13Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa

at mga kaharian.

14Ngunit hindi pinahintulutan ng Diyos

na apihin sila.

Bilang proteksyon sa kanila

ay sinaway niya ang mga hari.

15Sinabi niya,

“Huwag ninyong galawin ang hinirang

kong mga lingkod,

huwag ninyong saktan

ang aking mga propeta.”

16Nagpadala ang Diyos ng taggutom

sa lupain ng Canaan.

Kinuha niyang lahat

ang kanilang pagkain.

17Ngunit may pinauna na siya sa Ehipto

na tutulong sa kanila.

Si Jose na ipinagbili roon

bilang alipin.

18Kinadenahan ang kanyang mga paa

at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,

19hanggang sa nangyari

ang kanyang propesiya.

Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya

ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.

20Pinalaya siya ng hari ng Ehipto

na namamahala sa maraming tao,

21at ginawa siyang tagapamahala

ng kanyang palasyo at mga ari-arian.

22Bilang tagapamahala,

may kapangyarihan siyang turuan

ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari

pati ang kanyang mga tagapayo.

23Pagkatapos, pumunta si Jacob

at ang kanyang pamilya sa Ehipto,

na lupain ng mga lahi ni Ham,

at doon sila nanirahan bilang dayuhan.

24Pinarami ng Panginoon

ang kanyang mga mamamayan,

at naging makapangyarihan kaysa

sa mga Ehipsiyo na kanilang kaaway.

25Pinahintulutan ng Panginoon na galitin

at lokohin ng mga Ehipsiyo

ang mga mamamayan na kanyang lingkod.

26Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod

at si Aaron na kanyang hinirang.

27Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham

ang mga himala na ginawa ng Diyos.

28Pinadilim ng Diyos ang lupain ng Ehipto,

ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.

29Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,

kaya namatay ang kanilang mga isda.

30Napuno ng palaka ang kanilang lupain,

at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.

31Nag-utos ang Diyos,

at dumating sa kanilang lupain

ang napakaraming niknik at lamok.

32Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain,

yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.

33Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,

at iba pang mga punongkahoy.

34Sa kanyang utos, dumating ang mga balang,

at mga tipaklong na hindi mabilang.

35At kinaing lahat ang kanilang mga tanim,

pati ang mga bunga nito.

36Pinatay ng Diyos ang lahat nilang panganay na lalaki.

37Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel

sa lupain ng Ehipto na wala ni isa mang napahamak,

at may dala pa silang mga pilak at ginto.

At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.

38Natuwa ang mga Ehipsiyo

nang umalis ang mga taga-Israel,

dahil takot sila sa kanila.

39Naglagay ang Diyos ng ulap na lililim sa kanila

at kung gabi namaʼy apoy

upang magbigay sa kanila ng liwanag.

40Ang mga taoʼy humingi ng makakain,

at pinadalhan sila ng Diyos ng mga pugo,

at binusog niya sila ng pagkaing

mula sa langit.

41Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.

Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.

42Ang lahat ng ito ay ginawa ng Diyos

dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako

kay Abraham na kanyang lingkod.

43Pinalabas niya sa Ehipto

ang kanyang mga mamamayan

na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.

44Ibinigay niya sa kanila

ang mga lupain ng ibang bansa;

ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba

45upang sundin nila ang kanyang

mga tuntunin at kautusan.

Purihin ang Panginoon !

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00