The chat will start when you send the first message.
1Purihin nʼyo ang Panginoon !
Magpasalamat kayo sa kanya
dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2Walang makapagsasabi
at makapagpupuri nang lubos
sa makapangyarihang gawa ng Panginoon .
3Mapalad ang taong gumagawa nang tama
at matuwid sa lahat ng panahon.
4Panginoon , alalahanin nʼyo ako
kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
7Nang silaʼy nasa Ehipto, hindi nila pinansin
ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
Nilimot nila ang mga kabutihang
ipinakita nʼyo sa kanila,
at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
8Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
para kayo ay maparangalan
at maipakita ang inyong kapangyarihan.
9Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula,
at ito ay natuyo;
pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan
na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11Tinabunan niya ng tubig
ang kanilang mga kaaway,
at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13Ngunit muli nilang kinalimutan
ang kanyang mga ginawa,
at hindi na nila hinintay
ang kanyang mga payo.
14Doon sa ilang, sinubok nila ang Diyos
dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
ngunit binigyan din sila ng karamdaman
na nagpahina sa kanila.
16Sa kanilang kampo, nainggit sila
kay Moises at kay Aaron
na itinalagang maglingkod sa Panginoon .
17Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram
at ng kanilang sambahayan
at silaʼy nilamon.
18At may apoy pang naging kasunod
na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.
19Doon sa Horeb ay gumawa
ang mga taga-Israel ng gintong baka
at sinamba nila ang diyos-diyosang ito.
Itoʼy ginawa nilang diyos at kanilang sinamba.
20Ang kanilang dakilang Diyos ay pinalitan nila
ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22Kinalimutan nila ang Diyos na nagligtas sa kanila
at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala doon sa Ehipto
na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sa Dagat na Pula.
23Nilipol na sana ng Diyos ang kanyang
mga mamamayan
kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
Nakiusap si Moises na huwag sana niyang ituloy
na iparanas ang kanyang galit
upang hindi sila malipol.
24Tinanggihan nila ang magandang lupain
dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Diyos sa kanila.
25Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda
at hindi sumunod sa Panginoon .
26Kaya sumumpa siya na papatayin niya sila doon sa ilang,
27at ikakalat ang kanilang mga angkan
sa ibang mga bansa
at nang doon na sila mamatay.
28Inihandog nila ang kanilang mga sarili
sa diyos-diyosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
at kumain sila ng mga handog
na inialay sa mga patay.
29Ginalit nila ang Panginoon
dahil sa kanilang masasamang gawa,
kaya dumating sa kanila ang salot.
30Ngunit namagitan si Finehas,
kaya tumigil ang salot.
31Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
32Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon ,
kaya nalagay sa gipit si Moises dahil sa kanila;
33Sapagkat ginalit nila si Moises,
kaya nakapagsalita siya ng mga salitang
hindi na niya napag-isipan.
34Hindi pinatay ng mga taga-Israel
ang mga taga-Canaan
taliwas sa utos ng Panginoon .
35Sa halip, nakisama pa sila sa mga ito
at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36Sinamba rin nila ang kanilang mga diyos-diyosan,
at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37Inihandog nila ang kanilang mga anak
sa mga demonyo.
38Pinatay nila ang kanilang mga walang malay na anak;
Inihandog nila ang mga ito
sa mga diyos-diyosan ng Canaan,
sa ganooʼy dinungisan nila ang lupain.
39Dinungisan din nila ang kanilang mga sarili.
Dahil sa kanilang ginawang iyon,
nagtaksil sila sa Diyos;
katulad nilaʼy isang babaeng nakiapid.
40Kaya nagalit ang Panginoon
sa kanyang mga mamamayan,
at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42Inapi sila ng kanilang mga kaaway,
at inalipin sila ng mga ito.
43Maraming beses silang iniligtas ng Diyos,
ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Diyos,
tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga paghihirap.
45Inaalaala ng Diyos ang kanyang kasunduan sa kanila,
at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
napawi ang kanyang galit.
46Niloob niya na silaʼy kaawaan
ng mga bumihag sa kanila.
47Panginoon naming Diyos iligtas nʼyo kami,
at muling tipunin sa aming lupain
mula sa mga bansa,
upang makapagpasalamat kami
at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.
48Purihin ang Panginoon ,
ang Diyos ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing,
“Amen!”
Purihin ang Panginoon !