Salmo 129

Salmo 129

1Mga taga-Israel, sabihin ninyo

kung paano kayo pinahirapan

ng inyong mga kaaway

mula nang itatag ang inyong bansa.

2“Maraming beses nila kaming pinahirapan

mula pa nang itatag ang aming bansa.

Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.

3Sinugatan nila nang malalim ang aming likod,

na parang lupang inararo.

4Ngunit ang Panginoon ay matuwid,

pinalaya niya kami sa pagkaalipin

mula sa masasamâ.”

5Magsitakas sana dahil sa kahihiyan

ang lahat ng namumuhi sa Zion.

6Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay,

na nang tumubo ay agad ding namatay.

7Walang nagtitipon ng ganitong damo

o nagdadala nito na nakabigkis.

8Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,

“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon !

Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.