The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
2Nagpaplano sila ng masama
at palaging pinag-aaway ang mga tao.
3Ang kanilang mga dila
ay parang mga makamandag na ahas;
at ang kanilang mga salita
ay parang kamandag ng ahas.
4Panginoon , ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit
na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
5Ang mga hambog ay naglagay
ng mga bitag para sa akin;
naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.
6Panginoon , kayo ang aking Diyos.
Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
7O Makapangyarihang Panginoon ,
kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
8Panginoon , huwag nʼyong ipagkaloob sa masama
ang kanilang mga hinahangad.
Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
baka silaʼy magmalaki.
9Mangyari sana ang masasamang plano
ng aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin sa sarili nila.
10Mabagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11Madali sanang mawala sa lupa
ang mga taong nagpaparatang ng mali
laban sa kanilang kapwa.
Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.
12Panginoon , alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid
at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.