The chat will start when you send the first message.
1O Panginoon , pakinggan ninyo
ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3Siniyasat nʼyo ang puso ko,
at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang
anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako
magsasalita ng masama
4gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa
ng masama at kalupitan.
5Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa
o sa kanan man.
6O Diyos sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig
sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan,
inyong inililigtas ang mga taong
nanganganlong sa inyo
mula sa kanilang mga kaaway.
8Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat
ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng inahing manok
sa kanyang mga sisiw sa ilalim
ng kanyang mga pakpak.
9Ipagtanggol nʼyo po ako
sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin
at nagtatangka sa aking buhay.
10Silaʼy mga walang awa
at mayayabang magsalita.
11Akoʼy hinanap nila
at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12Para silang mga leon
na nakakubliʼt nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13O Panginoon , mga kaaway koʼy talunin.
Sa pamamagitan ng inyong tabak,
akoʼy inyong iligtas mula
sa mga taong masasama.
14Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao
na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal ninyo
ay biyayaan ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak,
hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.