The chat will start when you send the first message.
1Pakinggan nawa ng Panginoon ang iyong mga daing,
sa oras ng kaguluhan.
At sanaʼy ingatan ka
ng Diyos ni Jacob.
2Sanaʼy tulungan ka niya
mula sa kanyang Templo roon sa Zion.
3Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang mga handog mong sinusunog.
4Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5Sa pagtatagumpay mo kami
ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Diyos.
Ipagkaloob nawa ng Panginoon
ang lahat mong kahilingan.
6Ngayoʼy alam kong ang Diyos
ang nagbibigay ng tagumpay
sa haring kanyang hinirang.
Sinasagot niya mula sa banal na langit
ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7May mga umaasa sa kanilang mga kabayo
at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa
sa Panginoon naming Diyos.
8Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9Panginoon , pagtagumpayin nʼyo
ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami
ay tumawag sa inyo.