The chat will start when you send the first message.
1Panginoon kong Diyos, sa inyo,
akoʼy nananalangin.
2Sa inyo, o Diyos, akoʼy nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway
dahil sa aking pagkatalo.
3Ang sinumang nagtitiwala sa inyo
ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4Ituro nʼyo sa akin, Panginoon ,
ang tamang pamumuhay,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Diyos na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6Panginoon , alalahanin po ninyo ang inyong dakilang pag-ibig at kabutihan,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7Alalahanin ninyo ako Panginoon ,
ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon ,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan
ang mga makasalanan.
9Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba upang gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10Lahat ng ginagawa nʼyo
ay nagpapakita ng inyong pag-ibig
at katapatan sa mga sumusunod
sa inyong mga kautusan.
11Panginoon , alang-alang sa inyong pangalan,
patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon ,
ay turuan nʼyo po ng daan na dapat niyang lakaran.
13Mabubuhay sila nang masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan
sa lupaing ipinangako ng Diyos.
14Malapít ang Panginoon sa mga taong
may takot sa kanya,
at itinuturo niya sa kanila ang kanyang kasunduan.
15Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon ,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin
sa kapahamakan.
16Lingunin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17Lalong lumalala ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo po ako sa aking mga kalungkutan.
18Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19Tingnan nʼyo kung gaano karami
ang aking mga kaaway
at kung gaano katindi
ang galit nila sa akin.
20Iligtas nʼyo ako,
at ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo;
huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21Iligtas nawa ako ng pamumuhay ko nang matuwid
at walang kapintasan,
sapagkat sa inyo ako umaasa.
22O Diyos, palayain nʼyo po ang Israel sa lahat ng hirap
na kanilang pinapasan.