The chat will start when you send the first message.
1O Diyos, sinalakay ng mga dayuhan
ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila
ang inyong banal na Templo
at winasak ang Jerusalem.
2Ipinakain nila sa mababangis
na ibon at hayop
ang bangkay ng inyong tapat
na mga lingkod.
3Parang tubig na pinadaloy nila ang dugo
ng inyong mga mamamayan
sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila
upang ilibing ang mga namatay.
4Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan
ng mga bansa sa palibot namin.
5Panginoon , hanggang kailan kayo
magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy
ang inyong panibugho?
6Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian
na ayaw kumilala
at sumamba sa inyo.
7Dahil pinatay nila ang mga mamamayan ninyo[#79:7 : Sa literal, si Jacob.]
at winasak ang kanilang mga lupain.
8Huwag ninyo kaming parusahan
dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating agad ninyo
ang inyong habag sa amin
dahil kami ay lugmok na.
9O Diyos na aming Tagapagligtas,
tulungan nʼyo kami,
para sa kaluwalhatian
ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin
sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10Huwag nʼyo pong hayaan
na sabihin sa amin
ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Diyos?”
Habang kami ay nakatingin,
ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito
na maghihiganti kayo sa kanila
dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11Pakinggan ninyo ang hinaing
ng mga mamamayan ninyong binihag nila.
Nakatakda silang patayin
kaya inyo silang palayain
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12O Panginoon, gantihan ninyo ng pitong ulit
ang mga kalapit naming bansa
dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13At kaming mga mamamayan,
na inyong inaalagaan na parang mga tupa
sa inyong pastulan
ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo nang walang hanggan.