Salmo 88

Salmo 88

1Panginoon , kayo ang Diyos

na aking Tagapagligtas.

Araw-gabi akong tumatawag sa inyo.

2Dinggin ninyo ang aking dalangin

panawagan ko nawaʼy sagutin.

3Napakaraming paghihirap

ang dumarating sa akin;

para bang ang kamatayaʼy unti-unting

lumalapit sa akin.

4Akoʼy kabilang na sa mga ibinaon sa lupa;

katulad koʼy taong hindi na

matutulungan pa.

5Pinabayaan na ako,

kasama ng mga patay,

parang isang nasawing nananahimik na lang

sa kanyang libingan,

na kinalimutan nʼyo na

at hindi tinutulungan.

6Parang inilagay nʼyo ako

sa napakalalim at napakadilim na hukay.

7Ang inyong poot ay sa akin ibinunton,

parang mga alon na humahampas sa akin.

8Inilayo nʼyo sa akin ang aking

mga kaibigan

at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam

sa kanilang harapan.

Para akong nakakulong

at hindi na makatakas pa.

9Dumidilim na ang paningin ko

dahil sa kalungkutan.

Panginoon , araw-araw akong tumatawag sa inyo

nang nakataas ang aking mga kamay.

10Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?

Bumabangon ba sila para kayoʼy papurihan?

11Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig

ay pinag-uusapan sa libingan?

12Makikita ba ang inyong mga himala

at katuwiran sa madilim na lugar

ng mga patay?

Doon sa lugar na iyon na

ang lahat ay kinakalimutan.

13Kaya Panginoon , humihingi ako

ng tulong sa inyo.

Tuwing umaga, akoʼy nananalangin sa inyo.

14Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon ?

Bakit nʼyo ako pinagtataguan?

15Mula pa sa pagkabataʼy

hirap na ang dinanas,

at nalagay pa sa bingit ng kamatayan.

Tiniis ko ang mga nakakatakot

na ginawa nʼyo sa akin.

16Ang inyong galit ay humampas sa akin

na parang malakas na hangin.

Halos mamatay ako sa mga nakakatakot

na ipinaranas nʼyo sa akin.

17Dumating ang mga ito

na parang bahang lumamon sa akin.

18Inilayo nʼyo sa akin

ang mga mahal ko sa buhay

at mga kaibigan;

wala akong naging kasama

kundi kadiliman.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00