Mga Taga-Roma 8

Ang Buhay na Ayon sa Espiritu

1Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Kristo Hesus.

2Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Kristo Hesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu na nagbibigay-buhay.[#8:2 : Sa literal, kautusan.]

3Hindi nagawang alisin ng Kautusan ang kapangyarihan ng kasalanan dahil sa kahinaan ng tao na sundin ang mga utos. Ngunit nagawa ito ng Diyos nang isugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang alisin ang kapangyarihan ng kasalanan.

4Ginawa ito ng Diyos upang ang itinakda ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao.

5Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Ngunit ang tao namang namumuhay ayon sa Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Espiritu.

6Ang pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay hahantong sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa nais ng Espiritu ay hahantong sa buhay at kapayapaan.

7Sapagkat ang taong sumusunod sa nais ng kanyang makasalanang pagkatao ay kalaban ng Diyos. Hindi siya sumusunod sa kautusan ng Diyos, at talagang hindi niya magawang sumunod.

8Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

9Ngunit hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon na sa patnubay ng Espiritu, kung totoo ngang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Kristo, siyaʼy hindi kay Kristo.

10Ngunit kung nasa inyo na si Kristo, mamatay man ang katawan ninyo dahil sa kasalanan, binubuhay naman kayo ng Espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Diyos.[#8:10 : O buháy naman ang inyong espiritu.]

11At kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na muling bumuhay kay Hesu-Kristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang namamatay. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

12Kaya nga mga kapatid, may tungkulin tayo, ngunit hindi sa pagsunod sa kagustuhan ng ating makasalanang pagkatao.

13Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Ngunit mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Espiritu.

14Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

15At ang Espiritu na tinanggap ninyo mula sa Diyos ay hindi ibinigay upang magkaroon muli kayo ng takot, sa halip, upang kayoʼy maging mga anak ng Diyos. Ngayon, sa pamamagitan niya, matatawag na ninyong, “Abba, Ama” ang Diyos.[#8:15 Ito ay Ama sa wikang Arameo.]

16Ang Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Diyos.

17At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Diyos para sa mga anak niya. At tayoʼy kasama ni Kristo na magmamana ng mga inihanda ng Diyos para sa kanya. Sapagkat kung magtitiis tayo kasama ni Kristo, makakasama rin tayo sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap

18Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin balang araw.

19Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Diyos ang mga anak niya.

20Sapagkat ang buong nilikha ay nabigong tuparin ang layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil ito ang gusto nila, kundi dahil ito ang kalooban ng Diyos. Subalit may pag-asa pa,

21dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama ito sa kalayaan at kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.

22Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay dumaraing dahil itoʼy dumaranas ng matinding paghihirap na tulad ng isang babaeng nanganganak.

23At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Espiritu na siyang unang kaloob ng Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang pagpapahayag sa ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan.

24Sapagkat ito ang inaasahan natin noong tayoʼy naligtas. Umaasa tayo dahil hindi pa ganap na natupad ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nakamit na natin ito?

25Ngunit kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.

26Tinutulungan tayo ng Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Diyos para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin.

27At ang anumang nais sabihin ng Espiritu ay alam ng Diyos na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Espiritu para sa mga tinawag na maging banal, kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos.

28Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.

29Sapagkat alam na ng Diyos noon pa man kung sino-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Hesus upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.

30Kaya ang mga taong pinili niya noong una pa ay tinawag din niya, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.

Tayoʼy Higit pa sa mga Nagtagumpay

31Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Diyos, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin.

32Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay rin niya sa atin ang lahat ng bagay.

33Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos na mismo ang nagturing sa atin na matuwid.

34Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Kristo Hesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Diyos at namamagitan para sa atin.

35Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o maging kamatayan.[#8:35 : Sa literal, kahubaran.]

36Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:

“Alang-alang sa iyo,

palaging nasa panganib

ang aming buhay;

para kaming mga tupang kakatayin.”

37Ngunit kahit ganito ang kalagayan natin, ganap ang ating tagumpay sa tulong ni Kristo na nagmamahal sa atin.

38-39Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00