Ecclesiastico 37

Dalawang Uri ng Kaibigan

1“Magkaibigan tayo,” sabi ng alinmang kaibigan,

ngunit may mga kaibigang sa pangalan lamang.

2Mapait pa kaysa kamatayan ang kalungkutang daranasin

kung ang pinakamatalik mong kaibigan ay maging kaaway.

3O isipang masama, paano kang nakapasok

sa daigdig upang ang lupa'y punuin ng panlilinlang?

4May kaibigang malapit lamang sa iyo habang ikaw ay sagana,

ngunit iiwan ka niya sa panahon ng kagipitan.

5Ang tapat na kaibiga'y handang makipaglaban para sa iyo

at magsisilbing kalasag mo laban sa kaaway.

6Huwag mong kalilimutan ang kaibigang nakipaglaban para sa iyo,

huwag mo siyang itatakwil kapag ikaw ay sumagana.

Tungkol sa Payo

7Lahat ng tagapayo'y may kanya-kanyang ipapayo,

ngunit mayroong nagpapayo para sa sariling kapakinabangan.

8Mag-iingat ka kapag may nagpapayo sa iyo,

tingnan mo muna kung ano ang papakinabangin niya.

Sapagkat kung ang payo niya ay makakabuti sa kanya,

baka ikaw ay kinakasangkapan lamang niya.

9Marahil sasabihin niya: “Mahusay! Tamang-tama ang ginawa mo.”

At pagkatapos ay malugod na lamang niyang panonoorin ang mangyayari sa iyo.

10Huwag kang hihingi ng payo sa taong walang tiwala sa iyo,

at huwag ka namang magbibigay ng payo sa mga naiinggit sa iyo.

11Huwag kang magtatanong sa isang babae tungkol sa kanyang karibal,

sa isang duwag tungkol sa digmaan,

sa mangangalakal tungkol sa halaga ng bilihin,

sa mamimili tungkol sa iyong ipinagbibili,

sa kuripot tungkol sa pagtanaw ng utang na loob,

sa malupit tungkol sa paglingap sa kapwa,

sa taong tamad tungkol sa anumang uri ng gawa,

sa isang pansamantalang manggagawa tungkol sa pagtatapos ng isang gawain,

o sa isang aliping tamad tungkol sa isang malaking gawain;

huwag kang hihingi ng payo sa sinuman sa mga ito.

12Sa halip, lumapit ka sa taong may takot sa Diyos,

sa taong kilala mong masunurin sa Kautusan.

Magtanong ka sa isang katulad mo ang kaisipan,

na maaawa sa iyo kung ikaw ay magkamali.

13At sa wakas, pakinggan mo ang itinitibok ng iyong puso,

sapagkat wala kang dapat pagtiwalaan nang higit sa riyan.

14Kalimitan, higit ang masasabi ng sariling kaisipan,

kaysa pitong bantay na nasa isang mataas na tore.

15Higit sa lahat, dumalangin ka sa Kataas-taasan,

upang akayin ka niya sa katotohanan sa lahat mong gagawin.

Karunungan at Pagtitiwala

16Lahat ng panukala'y kailangang pag-usapan muna,

at anumang gawai'y kailangan munang isipin.

17Sa isipan binabalangkas ang lahat ng panukala ng tao,

at ang mga ito'y sa apat nauuwi:

18sa mabuti o sa masama, sa buhay o sa kamatayan,

subalit ang lahat ng ito'y dila ang naghahayag.

19Mayroong tao na sa karununga'y nakakapagturo sa iba,

ngunit hangal naman sa sariling kapakanan;

20Mayroon namang napakagaling magsalita, ngunit sa halip na makaakit,

marami ang nasusuya, kaya't sa wakas ay kinakapos pa sa ikabubuhay.

21Ganyan ang mangyayari sa taong walang pakisama,

na di pinagkalooban ng Panginoon ng kaalaman sa pakikitungo sa kapwa.

22Kapag ang isang tao'y magandang magpalakad ng sariling kapakanan,

ang kanyang katalinuha'y nakikita sa kanyang pananalita.

23Kung ang karunungan ng isang tao'y pinakikinabangan ng bayan,

ang kanyang katalinuha'y dapat pagtiwalaan.

24Ang tunay na marunong ay pupurihin ng karamihan,

at siya'y ituturing na mapalad ng bawat makakita sa kanya.

25Ang buhay ng isang tao ay maikli lamang,

ngunit hindi mabibilang ang mga araw ng bansang Israel.

26Ang tunay na marunong ay pinagtitiwalaan ng kanyang bayan,

at mananatili kailanman ang kanyang pangalan.

Ang Pagtitimpi

27Anak ko, sa buong buhay mo'y lagi mong aalagaan ang iyong sarili,

at huwag kang kakain ng anumang makakapinsala sa iyo.

28Sapagkat hindi lahat ng pagkain ay makakabuti sa lahat ng tao,

at hindi rin nasasarapan ang lahat ng tao sa lahat ng pagkain.

29Huwag mong hangaring matikman ang lahat ng pagkain,

at huwag kang magpakalabis sa anumang ihain sa iyo.

30Nagdudulot ng sakit ang pagkain nang labis,

at ang katakawan ay nauuwi sa sakit ng tiyan.

31Marami na ang namatay sa katakawan,

iwasan mo ito at hahaba ang iyong buhay.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society