Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

1Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw.

2Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa.

3Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo.

4Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

5Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy.

6Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:[#Awit 8:4-6.]

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,

o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

7Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,

pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha]

8at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.

9Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.

10Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

11Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid.

12Sinabi niya sa Diyos,[#Awit 22:22.]

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,

sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”

13Sinabi rin niya,[#Isa. 8:17 (LXX); Isa. 8:18.]

“Ako'y mananalig sa Diyos.”

At dugtong pa niya,

“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”

14Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.

15Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan.

16Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham.[#Isa. 41:8-9.]

17Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao.

18At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society