Mga Awit 81

Awit sa Araw ng Kapistahan

1Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.

2Umawit sa saliw ng mga tamburin,

kasabay ng tugtog ng lira at alpa.

3Hipan ang trumpeta tuwing nagdiriwang,[#Bil. 10:10.]

kung buwan ay bago't nasa kabilugan.

4Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,

batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.

5Sa mga hinirang, ang utos di'y ito

nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.

Ganito ang wika na aking narinig:

6“Mabigat mong dala'y aking inaalis,

ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.

7Iniligtas kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;[#Exo. 17:7; Bil. 20:13.]

tinugon din kita sa gitna ng kidlat,

at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)

8Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,

sana'y makinig ka, O bansang Israel.

9Ang diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.[#Exo. 20:2-3; Deut. 5:6-7.]

10Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,

ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;

pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11“Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,

di ako sinunod ng bayang Israel,

12sa tigas ng puso, aking hinayaang

ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.

13Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,

sundin ang utos ko ng bayang Israel;

14ang kaaway nila'y aking lulupigin,

lahat ng kaaway agad lilipulin.

15Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,

ang parusa nila'y walang pagkatapos.

16Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;

at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society